Categories
Original Writing

Quarantine

Orihinal na pagsulat ni Malaginoo ng Bandilang Itim.


Una, nang lumala ang krisis, walang mass testing. Hindi raw kaya ng gobyerno. Hindi nila tuloy nalaman kung gaano kalala ang sitwasyon. Naubusan ng mga equipment ang mga ospital, kaya ang mga health worker na nag-aalaga, nagkasakit at pinauwi. Kada araw, nadadagdagan ang mga nagkakasakit, nauubusan na sila ng espasyo para sa bagong pasyente. Habang may mga politiko na kahit retirado na agad pinagpa-test, may mga namamatay nang hindi nalalaman kung COVID nga ang ikinamatay. Kapag may umaalma, may nagreklamo, pinaparatangan at inaaresto agad bilang terorista.

Pangalawa, kahit na may lockdown, may mga nagtatrabaho pa rin para may makain ang pamilya. Ilan sa kanila, isang kahig, isang tuka lang ang mga araw. Aasa pa ba sila sa relief goods na matagal pa ang dating? At kung sumuway naman sila sa pulis? Bubugbugin, pagbabayaran, ikukulong. Baka barilin pa sila ng hepeng makati ‘yung daliri. Imbis na bigyan sila ng tulong pinansyal, kahit pagkain man lang, baril ‘yung dinala sa barangay.

Pangatlo, may upa at utang pa rin. Wala na ngang trabaho, sumisingil pa rin ‘yung may-ari ng lupa, ng bahay. Kailangan pa rin magbayad ng kuryente, ng tubig, kahit hindi pa nilalabas ‘yung sweldo. May mga estudyante, manggagawa, buong pamilya na hindi alam kung magtitirhan ba sila pagtapos ng

Pangapat, siksikan na ang mga bilangguan. ‘Yung social distancing na pinapatupad ng gobyerno, hindi nakakarating sa Bilibid. Marami sa kanila, mga matatanda, may-sakit na. Kung matatamaan, mamatay agad at idadala pa sa ibang tao. May mga ibang bansa na pinalaya ang ibang preso, mga hindi pumatay, mga inaresto lang dahil sa politiko. Pero, iimbestigahan pa raw ng korte. Alam naman natin kung anong mangyayari. Hahayaan na lang silang mamatay sa loob.

Panglima, papaano na ang mga walang bahay? Oo, may mga mabubuti ang loob na tumulong. Kahit nga alkalde, inisip na pasarahin muna mga hotel para pagtirhan. Pero, bigla nilang sinara ‘yung ibang tirahan. Pinasok nila ang mga bahay ng mahihirap dahil sumuway raw sila sa curfew. Pinarusahan nang walang pakundangan, halos tinotyur sa harap ng sambayanan.

Tanong nila sa isa’t isa “Ba’t antitigas ng ulo nila? Ba’t hindi na lang sila do’n sa loob ng bahay nila? Mamatay na nga lang talaga sila, ‘no?”

Oo, mamamatay sila. Kung hindi sa virus, mamatay sila sa gutom, sa hirap, at sa kamay ng pulis. Hindi nga lang nila namalayan, sila ang may hawak sa masong pumatay sa masa.