Isang pahayag mula sa Local Autonomous Network.
Introduksyon
Kasalukuyan nating nararanasan ang isa sa pinakamatinding pandemya ng ating panahon. Hindi maikakaila ang matinding epekto (at magiging epekto pa) nito sa halos lahat ng aspeto ng ating buhay; mula sa pinakabatayang pinagkukunan ng pagkain at mga hanapbuhay, hanggang sa kung paano natin isinasagawa ang ating pang araw-araw na mga gawain tulad ng pamamalengke, pag-aaral, paglilibang at maraming pang iba. Tinatantsa ng mga siyentista na hindi basta-basta matatapos ang pandemyang ito sa mga susunod na mga buwan at maari pa ngang tumagos ang epekto nito sa mga susunod na taon. Maaaring sabihing ang COVID19 ay hahati sa modernong kasaysayan sa dalawang yugto; “bago ang COVID19” at “matapos ang COVID19.”
Sa ganitong entablado gustong ilatag ng Local Autonomous Network(LAN) ang ilang obserbasyon, saloobin, at mga ideyang maaaring makatulong sa ating mas malinaw na pag-unawa sa mga nangyayari sa paligid, at sa patuloy nating pag-agapay sa mga pagbabagong idudulot ng nasabing pandemya sa ating kolektibong kinabukasan.
Ang Pandemya (at/ay) ang Gobyerno
Malinaw na maraming naging sablay na desisyon ang gobyerno ng Pilipinas sa usapin ng COVID19 at kung paano nitong napiling rumesponde sa krisis na ito.
Una, kitang-kita ang pagwawalang bahala nito sa mga hinaing ng mga mamamayang nag-uudyok na magpataw ng “immediate travel ban” noong unang pumutok ang balita tungkol dito sa China noong mga huling araw ng Disyembre ng nakaraang taon. Matatandaang nanindigan ang gobyernong hindi basta-basta maaaring magpataw ng travel ban sa China dahil baka ma-offend ito (Go at Duterte) at hindi din daw mainam para sa turismo ng Pilipinas ang nasabing travel ban (Duque). Malinaw na hindi ang kapakanang pangkalusugan ng mga mamamayan ang prayoridad ng gobyerno kundi panlabas na relasyon at turismo. Sa ganitong ganap malinaw na mas inuuna ng pamahalaan ang mga bagay na magsusulong ng mga pansarili nitong interes tulad ng kita at panlabas na relasyon (o pagkatuta) kaysa pangalagaan ang mismong buhay at kaligtasan ng mga mamamayang umaasa dito.
Pangalawa, malinaw na ang COVID19 ay isang problemang pangkalusugan. Bagkus, maaari lamang itong malutas gamit ang mga solusyong medikal tulad ng malawakang testing ng mga pinaghihinalaang may sakit at ng mga tinatawag na hot-spots (mga lugar na may pinakamataas na bilang ng mga pwedeng mahawa), mabilis at maagap na contact tracing (paghahananap ng mga nakasalamuha ng mga natukoy na may sakit), pagmomobilisa ng mas maraming mga health workers, at pagbibigay prayoridad sa pagsegura ng mga kagamitang maaari sanang makatulong sa mga frontliners tulad ng mga Personal Protective Equipments (PPE) at mga mas epektibong pasilidad pangkalusugan. Nakapagtataka na imbes na ang mga ito ang unahin ng gobyerno eh mas pinili nitong i-mobilisa ang pulupulutong na armadong pulis at militar na para bang ang COVID19 ay isang problema ng seguridad at kapayapaan imbes na problemang pang kalusugan. Mananatili ding hilaw ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) kung walang magaganap na malawakang testing dahil ang mga datos na makukuha dito ang tanging pwedeng maging batayan kung naging matagumpay ba ang ECQ sa pag-contain ng pagkalat ng impeksyon. Dito naman ay makikita nang malinaw kung paanong mas pinapahalagahan ng gobyerno ang pagpapanatili at pagpapalakas ng kapit nito sa kapangyarihan imbes na paglaanan ng nararapat at napapanahon na solusyon ang krisis na kinakaharap. Maari pa ngang sabihing tila sinasadya ng gobyernong hindi maging maagap at mas lalo pang lumala ang problema kung magbibigay ito ng dahilan at katwiran para gumamit ng sobra-sobrang pwersa at kapangyarihang mamulis lalo na ng mga pumupuna.
Pangatlo, nauunawaan natin ang pangangailangang magsagawa ng Community Quarantine para mabawasan ang paggalaw ng mga tao at kasabay nito ay mas madaling ma-contain ang virus. Pero kaakibat sana nito ay ang mas maagap na pagbibigay ng ayuda sa mga pinakabunerableng miyembro ng populasyon, mga arawan ang sahod o yung mga tinatawag na “no work, no pay”, at mga nasa di pormal na ekonomiya (mga naglalako sa lansangan, mga nagtratrabaho sa palengke, at mga drayber ng pampublikong sasakyan). Pinapatunayan ng mga ganap na ito na wala sa sentralisadong kapangyarihan ng gobyernong walang unawa o paki-alam sa danas ng mga nasa lapag at lalaylayan ang kaligtasang inaasam ng nakararami bagkus ay maaring matagpuan sa mga inisyatibang naka-ugat sa mga mismong pamayanan at mga sektor ng lipunang may tunay na paki-alam.
Sa panahong ito ay naglabasan din ang ilang mga hinaing at panawagang direktang tumutukoy sa kagustuhan ng mga tao. Ang mga panawagan tulad ng #MassTestingNowPH, #StopVIPTesting, #SolusyongMedikalHindiMilitar, #CancelRentPH ay mga praktikal na panawagan sa panahon ng COVID19. Sinusuportahan ito ng LAN sa paniniwalang ito ay nararapat at napapanahon. Sa kabilang banda ay naniniwala ang LAN na hindi ito sasapat at maari pang lagpasan patungo sa mas maayos na kinabukasan.
Ang Hinaharap at Hinahanap
Malinaw na ipinakita ng sanga-sangang krisis na idinulot ng COVID19 ang mga bulok na katangian ng namamayagpag na sistemang umiiral sa mga lipunan ng mundo sa konpigurasyon ng Pandaigdigang Kapitalismo. Maaaring ito ay mas ramdam at mas malinaw sa mga mahihirap na bansa tulad ng Pilipinas ngunit hindi maikakaila na maging sa mga bansang may higit na mas mauunlad na mga ekonomiya tulad ng Estados Unidos at Italya ay nagdulot din ito ng matinding dagok.
Gustong linawin ng LAN na hindi tayo dapat maghangad na makabalik lang basta sa kung ano ang dati. Hindi uubrang pagkatapos ng pandemyang ito ay bumalik tayo sa “business as usual” na pagtanaw sa araw-araw. Mismong ang sistemang iyon ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit tayo naging ganito kabunerable sa banta ng mga pandemya at sa mga krisis na dulot nito. Hangga’t ang mga tao ay umaasa sa sentralisadong kapangyarihan ng estado at sa pang-ekonomiyang pangako ng mga korporasyon para sa kani-kanilang kaligtasan ay mananatiling limitado ang kanilang kakayanang mag-organisa ng mga sariling inisyatiba para i-angat ang kanilang antas ng pamumuhay at isulong ang pansariling determinasyon sa usapin ng personal na kaligtasan at batayang mga pangangailangan para mabuhay.
Oo, marami pa ding nanatiling bingi at bulag sa kalagayan ng marami at mas piniling maging makasarili sa panahong ito pero ito ay direktang epekto ng mal-edukasyon at mahabang panahon ng pamumuhay sa ilalim ng isang sistemang nagbibigay gantimpala sa pagiging makasarili at mapanlamang. Hindi ito dapat tignan bilang natural na konpigurasyon ng tao dahil ang ating mga kilos at paniniwala ay madalas na repleksiyon lamang ng kung anong kalagayan ng lipunang kinabibilangan natin.
Sa ganitong lente, nais isulong ng LAN ang mga alternatibong pagtanaw sa hinaharap na mas naka-angkla at nakasentro sa mga mismong komunidad na kinabibilangan ng bawat isa. Hindi na lang ito basta usapin ng kanya-kanyang pananaw natin sa pulitika o ekonomiya, kundi ng mga “values” o mga pagpapahalagang tinitindigan ng bawat isa. Maraming inisyatibang hindi nakaasa sa gobyerno ang namayani sa panahon ng krisis na ito; mga donation drives para sa mga pinakanangangailangan, libreng sakay sa mga walang masakyan, pagbabahagi ng pagkain sa mga nagugutom, community farms, mga online classes para sa mga bata at matatanda, libreng pagbabahagi ng mga likhang sining, at marami pang iba — dahil sa huli’t huli ang tanging maaasahan natin ay ang ating mga kapwa, ang ating mga kapamilya, mga kaibigan, at mga mismong kasama sa komunidad na siyang tunay na nakakaunawa sa ating kalagayan. Ang kultura ng pagbabahagi, kooperasyon, at pakikipamuhay sa kapwa-tao ay nananatiling mas may bigat sa mga panahon ng krisis tulad nito. Nawa’y sa hinaharap ay mas maging maigting ang ating mga inisyatibang pagtibayin ang ating mga komunidad. Mula sa mga alternatibong pagkukunan ng pagkain sa pamamagitan ng mga community farms, mga alternatibong porma ng palitan na hindi nakasandal sa itinutulak na halaga ng pandaigdigang merkado tulad ng barter, hanggang sa mga alternatibong relasyon sa trabaho, pag-aaral, at pakikipagkapwa. Sa ganitong gawi natin unti-unting mapawawalang bisa ang estado bilang sentro ng kapangyarihan, sa pagsusulong na unti-unti itong mawalan ng silbi.
Tandaan nating kailan man ay hindi pinag-arian (o naging prayoridad) ng ano mang gobyerno o nang sino mang namumuno ang kaligtasan ng mga tao. Ito ay nananatili sa personal na kakayanan at kabukasan ng mismong mga tao na makipagtulungan at maghangad ng mas mabuting mundo.