Categories
Anarki 2.0 Indokumento Republished

Ang Werpa ng mga Institusyon para sa Kontrol at Dominasyon

Sinulat ni Bas Umali at inilathala sa Anarki: Akin ang Buhay Ko 2.0 noong Disyembre 2017. Inilimbag ni Non-Collective (NC) at Onsite Infoshop.

Inilathala namin ito sa Bandilang Itim para sa kahalagahan nito sa mga anarkisista sa kapuluan.


Ayon sa diksyunaryong Cambridge ang kontrol ay: to order, limit, or rule something, or someone’s actions or behaviour. ((Cambridge English, “Meaning of control in English” https://dictionary.cambridge.org/dictionary/english/control ))

Ang kontrol ay ang sapilitang limitasyon ng kilos at mga gawain sa mga tao o hayup sa mga tukoy na lugar. Halimbawa: pagpigil sa pagpasok, pag-okupa, pag-ani o paggamit ng mga biyaya ng kalikasan.

Tanging tao lamang ang may kakayahan na magpatupad ng kontrolsa mga likas-na-yaman sa daigdig. Naipapatupad ng tao ang kontrol sa pamamagitan ng HIRARKIYA. Ito ang mga organisado at sistematikong gawain na epektibong nagagawa sa pamamagitan ng mga institusyon.

Ayon sa isang manunulat na si Naila Kabeer, ang mga institusyon ay ang mga istruktura sa lipunan na lumilikha at nagpapatupad ng mga batas, polisiya at mga patakaran. Ang malalaki at establisadong organisasyon na may malalawak na impluwensya sa lipunan katulad ng estado, gobyerno, simbahan at mga korporasyon.

Ito ay may pormal at mga nakasulat na polisiya o batas sa porma ng mga konstitusyon, ordinansa at iba pa. Maari din ito ay mga impormal yaong mga nakasanayan, tradisyon at mga nakagawian; hindi nakasulat pero ginagawa at lehitimo kagaya ng pagdiriwang ng mga pyesta, pasko iba pang nakaugalian na.

Ayon pa kay Kabeer, ang institusyon ay may mga sumusunod: tao; sinu-sino ang kabilang at hindi? Ano ang katayuan ng mga tao sa institusyon at lipunan? Anu-ano ang mga responsibilidad at pribelehiyo? Makikita ang kategorya batay sa interes, gawain, kasarian at katungkulan ng tao o mga tao. Gawain. Ano ang mga functions o mga ginagawa ng partikular na institusyon para mapanatili ang kaayusan ng lipunan? Ano ang mga regular na pinagkaka-abalahan nito upang makamit ang kanilang mga layunin? Rekurso o resources. Ito ang yaman ng naturang lipunan at paano nito ginagamit at minomobilisa ang rekurso upang makamit ang mga layunin? Mga patakaran. Ito ang mga polisiya, batas at kabuuang pattern ng kilos ng mga tao sa loob ng institusyon, ito ang mga gumagabay sa kilos at gawi ng mga tao kabilang ang mga impormal na mga patakaran. Kapangyarihan. Abstrakto ang kapangyarihan subalit ito ay may mga kagyat na manipestasyon. Ang impluwensya ay direkta o indirektang nakagpapasunod ng mga tao sa mga nais ng institusyon na maging gawi at kilos ng mga tao.

Kung iyong mapapansin, halos lahat ng mga bagay at kaganapan sa iyong sarili at pamilya ay itinakda ng mga institusyon. Tila wala ka ng magagawa kundi sundin at sumang-ayon sa mga sinasabi at pinapagawa sa iyo.

Mula sa iyong pagsilang hanggang sa iyong nalalabing araw sa daigdig hanggang sa kamatayan ang magaganap sa buhay mo ay itinakda ng mga institusyon.

Kailangan ng PERA, upang makarating sa ospital ang nanay mo. Kailangan ng pangbayad bago asikasuhin ng mga doktor ang ina mo upang ilabas ka sa sinapupunan. Kailangan ng salapi upang makamit ang mga pangangailangan upang ikaw ay mabuhay at palakihin.

Paano magkakapera? Kailangan magtrabaho ng mga magulang mo kapalit ng tukoy na halaga. Pagta-trabaho na gagawin mo rin hanggang sa ikaw ay mag-retiro. Halos 80% ng iyong buhay ay ilalaan mo sa pagta-trabaho at ang katiting na oras ang siyang ilalaan mo para sa sarili at pamilya tuwing may mga bakasyon na inaprubahan ng gobyerno o ng boss mo.

Wala ka ring kontrol sa halaga ng iyong sweldo dahil ang magtatakda nito ay ang estado at korporasyon. Wala kang kapangyarihan sa presyo ng mga batayang bilihin dahil ang magtatakda din nito ay ang nabanggit na mga institusyon.

Maging ang usapin ng TAMA at MALI ay isusubo sa iyo. Ang mga bagay na dapat mong gawin at mga hindi dapat igawi ay itinatakda ng mga institusyon. Nakatakda na kung ano ang mga bagay na dapat mong matutunan at malaman at ito ang iyong magiging gabay habang ikaw ay nabubuhay.

Marami ka pang maibibigay na halimbawa upang pagtibayin ang pagtingin na ang mga institusyon ang nagko-kontrol sa buhay ng mga tao sa lipunan.

Masasabi mo bang ikaw ay may KALAYAAN? Iyo bang nadadama na ikaw ay nabubuhay ayon sa iyong mga kagustuhan at pagpapasya? Nakakamit mo ba ang kaligayahan?

Bilang organikong nilalang, naibibigay ng inang kalikasan ang ating mga batayang pangangailangan. Subalit ang mga pangangailangang ito at ang kalikasan mismo ay kinokotrol ng iilan para sa benepisyo ng iilang grupo ng tao sa mundo. Sa pamamagitan ng mga institusyon kagaya ng estado, simbahan at korporasyon nako-kontrol tayo. Ang mga palatandaan ng kontrol ay kagutuman, kamangmangan, diskriminasyon at digmaan.

Ilang tala patungkol sa Estado

Ang estado ay tumutukoy sa malawakang organisasyon na may sentralisadong pamamahala sa pamamagitan ng gobyerno at ng mga burukratikong institusyon nito. Ang republika ng Pilipinas halimbawa ay may absolutong kapangyarihan sa itinuturing na teritoryo sampu ng mga tao at kalikasan sa tukoy na hangganan nito.

HINDI MO BA NAITATANONG kung saang langit nagmula ang estado at ito ay nagkaroon ng absolutong kapangyarihan sa lahat ng mga bagay at buhay sa mga tukoy nitong hangganan?

Sa konteksto ng mga komunidad dito sa arkipelago ay may mga naisusulat na paliwanag na proseso ng pagkabuo ng mga institusyon na nagkokontrol ng kapangyarihan.

Pamilyar ka ba sa ideya ng Regalian Doctrine? Ito ang kaisipan at patakaran na minana natin sa mananakop na kung saan sinasabi nito na ang bansang “Pilipinas” ay pag-aari ng Espanya. Ang kaharian ng Espanya sa pamumuno ng hari ang siyang may absolutong kontrol sa mga nasasakupan nito kabilang nga ang Pilipinas.

Alam naman natin na bago pa ang pananakop ay may katutubong mga sistema na ang ating mga ninuno. Walang sentralisadong organisasyon o pamahalaan na nagdidikta at namimilit sa mga pamayanan at pamilyang nabubuhay ayon sa kanilang mga otonomiya at pansariling determinasyon.

Ang mga katutubo at komunidad ay may kani-kanyang sistema na nag-uugnayan sa pamamagitan ng kalakalan, kasalan, tunggalian at kamag-anakan. Halos walang naitatala ang mga iskolar sa ideya ng pananakop sa pagitan ng mga katutubong komunidad. May mga nagaganap na tunggalian sa pagitan ng mga pamayanan subalit hindi ito naka-disenyo para sakupin at gawing kolonya. Hindi katulad sa misyon at layunin ng mga kanluranin at Europa na manakop at maghasik ng kontrol at mangamkam sa mga lupang ninuno.

Ang mga katutubo at komunidad ay may kani-kanyang sistema na nag-u-ugnayan sa pamamagitan ng kalakalan, kasalan, tunggalian at kamag-anakan. Halos walang naitatala ang mga iskolar sa ideya ng pananakop sa pagitan ng mga katutubong komunidad. May mga nagaganap na tunggalian sa pagitan ng mga pamayanan subalit hindi ito naka-disenyo para sakupin at gawing kolonya. Hindi katulad sa misyon at layunin ng mga kanluranin at Europa na manakop at maghasik ng kontrol at mangamkam sa mga lupang ninuno.

Mainam na kwestyunin ng tao kung bakit ang estado ang siyang may absolutong kontrol sa lahat ng mga likas-na-yaman ng tinatawag na teritoryo ng isang bansa. Paano naging pinakamakapangayarihan ang estado sa buhay ng tao at sa mga organismo? Gayundin, paanong ang simbahan ang nagtataglay ng absolutong katotohanan sa pagpapaliwanag ng mga bagay-bagay?


Maraming mga sulatin ang nagpapapatotoo na ang malawakang karahasan, pagwasak ng mga kalikasan, kagutuman at ibat-ibang uri ng pang-aabuso ay hindi likas sa ating mga kulturang ninuno. Katulad ng iba pang katutubong sistema, ang ating mga ninunong sistema ay maraming kapintasan, subalit wala tayong nukleyar, malawakang pangdarahas, pangko-kontrol at sagarang pang-aabuso sa mga kalikasan at mga organsimo. Mga kagawiang estado, simbahan at kapitalsimo ang may layon na gawin ito.

Ang kapangyarihan ng mga higanteng institusyong ito ang ugat ng miserableng kundisyon ngayon ng ating daigdig at mga pamayanan. Ang pagbasag sa kanilang kontrol ang siyang daan upang muli nating makamtan ang ating mga pansariling determinasyon.

Walang blue print o absolutong solusyon ang sulating ito, bagkus ito ay nagmumungkahi na balikan ang ating mga katutubong kaalaman upang mailarawan ang ating mga alternatiba at mga panlipunang kaayusan sa hinaharap.

Ang direktang pagsasapraktika ng mga alternatiba sa ating pang-araw-araw na buhay ang pinaka-epektibong propaganda laban sa sistema ng konsyumerismo, patriyarkiya, otoritaryanismo at pagkasira ng kalikasan.

Sa halip na mag-aksaya ng lakas, oras at resources sa pagpapatalsik, pagboto at pagtangkilik sa mga puitiko ng kaliwa o kanang partido ta; direkta nating maa-atake ang mga institusyong nagpapatatag ng pang-aalipin at pagsasamantala sa pamamagitan ng direktang pagbabahagi ng mga kakayahan, kaalaman, pagkain at mga batayang pangangailangan.

Ang paggampan sa mga gawaing bahay katulad ng pagtatanim, pag-aruga sa mga anak o kapatid, paglalaba, pagluluto o paghuhugas ng mga pinagkainan ay ilan sa mga direktang aksyon na tiyak na sasapul sa mga mainstream na sistema.

Ang paglahok sa mga kilos protesta ay isang opsyon subalit ito’y walang saysay kung ikaw ay nakapaloob lang din sa mga partidong walang hangad kundi maluklok sa kapangyarihan.

Higit na epektibo ang mga kilos protesta kung ito ay ayon sa ating mga sariling pagkukusa at direktang na-organisa ng ating mga kolektiba at pamayanan at hindi nalulukuban ng mga maka-kaliwa at mga opurtunistang pulitiko.