Article by Dagami, originally published in gasera journal.
This is a republished article written by anarchists in the archipelago known as the Philippines or its diaspora. We at Bandilang Itim wish to highlight and disseminate these works to better propagate the ideas of anarchism and libertarian socialism in the archipelago.
[Ang Militansya ng Black Bloc at ang papel ng Property Destruction sa mga kampanya at kilusan sa international na komunidad ng mga aktibista]
Hindi lang minsan “nakasama” ng mga aktibistang Pinoy ang Black Bloc sa mga isyu sa international na mga kampanya at kilos-protesta subalit karamihan sa ating mga aktibista ay walang ideya kung ano ang Black Bloc. Kaya’t minabuti na maglabas ng ganitong sulatin para makapag-ambag sa proseso ng pagpapaunlad ng mga pamamaraan ng pagtuligsa sa status quo.
Kalakhan sa dokumentong ito ay halaw sa “Militancy Beyond Black Blocs. An Essay” ni Teoman Gee ng Alpine Anarchist Productions na inilabas noong 2001.
Bagamat huli ng maraming taon, dapat lang na umabot ang ilang mahalagang impormasyon kaugnay sa Black Bloc sa karamihan lalo ng mga aktibista sa arkipelago na kadalasa’y pre-okupado ng maka-estadong balangkas at ideya.
Ano ang karaniwang pagtingin ng mga aktbista sa Black Bloc? Maraming militante at paksyon ng mga radikal na bloke ang may hindi malinaw na pag-intindi sa Black Bloc. Karaniwan ang pagturing sa mga maskaradong-itiman ay adik, lasenggo, nagti-trip at walang pampulitikang kamulatan at malinaw na idelohiyang pinanghahaw
Dagdag pangmamaliit; ang pagturing sa kanila bilang talunan, galit sila sa pulis dahil may problema sa otoridad, tamad, walang utak, kadalasang ikinukumpara sila sa “soccer hooligans” nagpapanggap na mga anarkista o militante na may nakakatawang pananamit at ayos ng buhok.
Higit na nakakabahala ang pangyayari matapos ang anti-WTO na protesta sa Seattle ng maglabas ng statement o kasulatan sa internet ang ilang makakaliwang grupo, pacifist na mga aktibista at mga grupo at indibidwal na radikal laban sa Black Bloc. Para sa kanila, ang mga batang gulanit na itim ang kasuotan na armado ng tirador, bato, patpat at galit sa hirarkiya ay kanilang kaaway.
Tila nakalimutan na ang tunay na kaaway ay ang mga korporasyon at ang mga estado na siyang nagpapatupad ng mapaminsalang mga polisya na lalo pang nagpapalaganap ng kahirapan, pagksira ng kalikasan, kumikitil at nag-aalipusta sa mga komunidad lalo sa mahihirap na rehiyon ng daigdig.
Sa kasagsagan ng malalaking kilos protesta gaya ng anti-WTO, anti-G8, pagpupulong ng EU at iba pa, ang kalakhan ng mga aktibista ay gumagawa ng iba’t-ibang paraan upang ihiwalay ang kanilang mga sarili sa Black Bloc.
Mula noon ay paulit-ulit nang naririnig ang moralistang pagkondena ng maraming maka-kaliwa sa mga itiman at pagtanggi sa kanila bilang mga lehitimong aktibista na nagpo-protesta at nagpapahayag ng pampulitikang paninindigan.
Ang anti-globalisation movement o kilusan laban sa globalisasyon ay nagguhit ng linya sa pagitan ng mga umano’y lehitimong aktibista at hindi karespe-respetong Black Bloc.
Ano ang Black Bloc? Ito ay walang eskaktong kahulugan at kadalasang tumutukoy sa network o ugnayan ng iba’t-ibang maliliit na grupo na naka-itim, maskaradong nagpo-protesta at nakahandang gumamit ng property destruction o pangwawasak ng ari-arian at street fights o pakikipagtungali sa mga pulis gamit ang lansangan bilang pamamaraan ng pagpapakita ng pampulitikang paniniwala at pagtutol sa umiiral na kalagayan.
Bagamat ang istilo ng Black bloc ay bago pa lang ginagawa sa Northern America, ang kasaysayan nito ay mauuugat noong 1968 sa panahon ng pampulitikang pag-aaklas sa Europa, at sa kasagsagan ng kilusan ng maralitang tagalunsod sa Alemanya noong kalagitnaan ng 1980s. Madalas ang salpukan ng pulis at grupo ng mga maskaradong itim kung saan nakaakit ng libong mga aktibista at maralita na nagsuot din ng itim at marami ang lumahok sa property destruction.
Ang Black Bloc ay produkto ng lehitimong tunggalian ng uri sa pagitan ng estado na siyang nagpo-protekta sa interes ng mga may kapital partikular ang mga korporasyon. Ang pamamaraang ito ay kongkretong kontribusyon sa atake sa hirarkiya sa pangunguna ng mga mahihirap, mga aktibista sa komunidad at mga istudyante.
Sino ba ang “Totoong Aktibista”?
Sa popular na pagpapaliwanag, ang aktibista ay tumutukoy sa taong aktibo sa pagpapalaganap at pagsasabuhay nang pinaniniwalaan niyang tama. Sa ganito kalawak na pagpapakahulugan, ang kahit na sino ay maaring maging aktbista. Ang aktibismo ay may kinalaman sa ethics o tamang gawi at pakikitungo. Ang ethics ay nalilikha batay sa ating pang-araw-araw na pamumuhay sa ating komunidad; sa ating interaksyon sa kapwa at sa natural na kapaligiran. Nakaugnay din dito ang pagtanggap natin sa mga resulta ng ating desisyon.
Kinokondena ang Black Bloc dahil sa militanteng aksyon nito kabilang ang pagsira sa mga ari-arian ng malalaking korporasyon at pakikitunggali sa mga pulis sa lansangan. Anong mali sa ganitong gawi at pamamaraan nila?
Maling basagin o sirain ang ari-arian ng mga korporasyon na kumikita ng milyong dolyar kada-araw? Maling wasakin ang mga ensured na pag-aari ng mga korporasyon na nagsasamantala sa lakas-paggawa ng mga kababaihan at manggagawa at sumisira ng mga likas-yaman ng daigdig?
Maling labanan ang mga pulis na siyang nagmimintina at nagpapanatili ng kaayusan at tumutulong magpatupad ng mga polisiya na kontra sa interes ng mga tao?
Dapat nating tandaan na ang militanteng aspeto ng mga kilusan ang nagpapaala-ala sa estado sa potensyal na lakas ng malawak na tao. Kung hindi dahil sa militanteng aspeto ng anti-globalisation movement ay mananatiling business as usual ang mga korporasyon at mga kasabwat nitong diplomat na kinatawan ng pamahalaan.
Dahil sa militanteng aksyon ng mga Black Bloc naging magastos ang mga pagpupulong na kailangan ng matataas na bakod, karagdagang puwersa at kagamitan at pag-upgrade ng kakayahan ng mga kapulisan at pagsuspinde ng civil rights.
Hindi mapapaatras ng civil society, NGO at iba pang may interes na grupo ang WTO sa disyerto ng Arab Gulfo pag-alis ng WEF sa Davos kung wala ang militanteng aksyon na pinangunahan ng Black Bloc.
Sinasabing ang Black Bloc ay hindi nakikipag-ugnayan sa “mga organisador” ng mga kilos protesta na siya namang nakikipag-ugnayan sa host na bansa/pamahalaan na siyang magsisiguro sa maayos na kilos-protesta.
Magsisiguro na ang kilos protesta ay hindi magiging banta sa ginaganap na pagpupulong ng WTO, G8, EC, IPCC at iba pa? Ang banta ng kaguluhan ang isa sa epektibong nagpipigil sa mga internasyunal na institusyon sa mga desisyong makapaminsala sa mga komunidad sa mahihirap na rehiyon ng daigdig.
Sa maraming pagkakataon, hindi magiging banta ang mga protesta kung wala ang militante at marahas na pagkilos ng Black Bloc.
Pagrespeto sa iba’t-ibang pamamaraan at pagpapahayag ng pampulitikang pananaw.
Ang pagpo-protesta ay karapatan ng kahit na sino; ang pagpili ng paraan kung paano ipakikita ang pagtutol at pagpapahayag ng pampulitikang opinyon ay desisyon ng isang tao o grupo na handa ding tumanggap ng mga posibleng resulta ng kanilang pagkilos.
Maraming paraan ang maaring gamitin sa pagpapahayag ng pananaw at pagtuligsa sa maling kalakaran. Ang engagement o pagpasok sa mga prosesong iniaalok ay kadalasang pinangungunahan ng mga NGOs. Sa pamamagitan ng mga dialogo, negosasyon at serye ng mga pag-uusap ay naipo-proseso ang mga opinyon at interes ng mga sektor. May mga pagkakataong nakakapag-bigay ng adbentahe ang mga ganitong istilo subalit sa karanasan sa WTO at mga bilateral na kasunduan kagaya ng JPEPA at ASEAN-CHINA na napakalimitado o walang ganansyang nakukuha at talo pa ang maliliit na sektor na mahihirap na bansa.
Mayroon namang tutol kaagad sa isyu katulad ng mga maka-kaliwang bloke subalit ang kanilang pamamaraan ay nakatuon sa mapayapang pagpapahayag at pagpapa-abot ng mga mensahe na karaniwang gumagamit ng malikhaing palabas upang akitin ang media.
Ang mga autonomous activist na pacifist ay deklaradong hindi gagamit ng anumang karahasan laban sa sino man kaya kadalasan ang kanilang mga sarili ang nagiging biktima ng mga bayolenteng pulis.
Ang kilos protesta ng mga Koreano noong unang araw ng Ministerial Meeting ng WTO sa Hongkong noong 2006 ay naghikayat sa pulis ng Hongkong na saktan ang mga Koreano. Gayundin ang Koreanong nagsaksak sa sarili noong pagpupulong ng WTO sa Doha, Qatar.
At ang “kilalang” istilo ng Black Bloc sa Seattle, sa Davos, Germany,sa Copenhagen, ilang parte ng Europa at patuloy na umuunlad sa Northern America. Noong mga ilang nag daang SONA ni GMA may ilang grupo ng mga kabataan na impluwensyado ng Anarcho-punk ang lumahok sa protestang dominado ng tradisyunal na kaliwang may iba’t-ibang paksyon.
Walang nagma-may-ari ng lansangan, lalo’t kung ang gamit nito ay pagpapahayag ng galit at diskontento sa kasalukuyang kaayusan ng lipunan. Ngunit sa dalawang okasyon na nabanggit, nagpakita ng maka-teritoryong pag-uugali ang ilang paksyon ng kaliwa na pilit itinataboy ang grupo ng mga itiman na may 40 hanggang 50 kalahok.
Totoong malaki pa ang dapat pag-aralan at paunlarin sa Black Bloc na taktika sa konteksto ng arkipelago kung saan mataas pa rin ang patriarkal at machong kaisipan ng mga elit na nasa kapangyarihan. Mahalagang tingnan na ang kilusang maka-otonomiya at anarkista sa arkipelago ay bago pa lang nanunumbalik kaya’t marami pa itong dapat palalimin bilang epektibong kilusan.
Ang mga umiiral na batas ay may malupit na kaparusahan laban sa pag-atake sa pag-aari. Hindi katulad sa maraming estado sa Europa, ang property destruction ay kinikilala bilang politikal na akto.
Balik sa Etika…
Sinasabing karamihan sa mga lumalahok sa Black Bloc ay yaong mga adik at lasing. Tiyak na kung hindi man lahat ay marami sa kanila ang sabog o lasing. Ano ang isyu duon? Sa tingin mo gaano kalaking pinsala sa lipunan ang mga desisyong nalilikha ng mga international institutions kung ikumpara sa pagtira ng droga o ng alkohol ng itimang naninira ng ari-arian?
Ang paggamit ba niya ng droga at ng alkohol ay magdi-diskwalipika na sa kanya bilang aktbista? Hindi ko alam kung sino ang aktbistang makapagsasabing siya ang modelo, basta ang alam ko, sa maraming pagkakataon mas nakakatakot ang moralista na naniniwalang siya ang tama kaysa sa high droga na ang alam lang gawin ay pumikit, kumain, matulog, at tumawa.
Walang may-ari ng rebolusyon at walang makapagtatakda kung sino ang totoong rebolusyunaryo; ang mayroon lang ay totoong isyu na direktang nakakaapekto sa atin kahit anong kultura, kulay at paniniwala pa tayo. Ang pagkakaibaiba natin ang siya nating epektibong instrumento para itaguyod ang panlipunang pagbabago kung saan tayo ay malaya sa kahirapan, ang bawat pamilya ay may direktang partisipasyon sa pulitika at desisyon at likas-kaya ang pamumuhay.