Mula sa mga nais umaklas. Inilathala ni Aklas.
Mahilig ka bang mamilit ng iba? Paano kung ayaw nila sa bagay na pinipilit mo? Anong gagawin mo sa kanila?
Gusto mo bang pinipilit kang gumawa ng mga bagay na maaaring di mo gustong gawin? Anong maaaring gawin sayo kung di ka pumayag?
Wala namang masama kung ayaw mong mamilit at ayaw mong magpapilit, lalo na kung wala ka namang sinasaktang iba.
Ngunit iba ang pananaw ng mga namumuno sa pamahalaan, sa kahit saang lugar. Ang pamahalaan, bilang estado, ay ang pinakamalaking institusyon na may kapangyarihan sa ating buhay.
Kamakailan lamang noong kalagitnaan ng Abril 2021, nagsisibulan ang mga bodegang bayan (community pantry) na nagsimula sa kagustuhan ng kapwa na makatulong sa kaniyang komunidad. ((Villanueva, N. G. (2021, April 18). Community pantry: ‘Not charity, but mutual aid.’ Inquirer.Net. https://newsinfo.inquirer.net/1420463/community-pantry-not-charity-but-mutual-aid )) Makailang araw lang ay, nagpadala na ng mga alagad ang estado. Bumisita ang ilang pulis sa ibang bodegang bayan para manggulo— nagtatanong kung sino ang nagsimula, saang organisasyon napapabilang, atbp. ((Lalu, G. P. (2021, April 19). Netizens call out cops for ‘profiling’ community pantry organizers. Inquirer.Net. https://newsinfo.inquirer.net/1421154/netizens-call-out-cops-for-profiling-community-pantry-organizers
Cordero, T. (2021, April 20). Privacy body calls on PNP to look into alleged profiling of community pantry organizers. GMA News Online. https://www.gmanetwork.com/news/news/nation/784395/privacy-body-calls-on-pnp-to-look-into-alleged-profiling-of-community-pantry-organizers/story/ ))
Nakakayamot, pero ito ang gusto ng estado: gawing monopolyo ang ating pamumuhay. Ang ating kalayaang tumulong sa iba. Ang dahas. Ang panlilinlang, pang-aapi, pangungutya.
Walang nagagawa kung sino man ang nakaupo. Walang nagagawa kung ano mang partido ang namumuno. Pare-pareho lang sila ng layunin: angkinin ang lahat nang maaangkin, bahala na kung may matira pa sa iba.
Monopolyo ng Karahasan
Ang ninanais naming lipunan ay malaya mula sa karahasan ng iilang gustong pamunuan ang iba.
Diba estado ang dahilan kung bakit mababa, kumpara sa kung ano ang dapat, ang buwis ng mga kapitalistang namumuhunan sa kasaganahan ng ating yaman? At dahil hindi patas ang pagbubuwis, manggagawang-uri na naman ang sasalo ng buwis na palaging tinatakasan ng mayayaman. Di gaya ng mayayaman, hindi kayang takasan ng manggagawang-uri ang parusa sa tax evasion. Salamat sa estado, dahil libreng nakapamiminsala ang mga kapitalista sa 99% ng tao.
Diba estado ni Lenin at ng mga Bolshevik ang pumatay sa ilang milyong tao sa Russia noong panahon nila? ((Blakemore, E. (2020, September 2). How the Red Terror set a macabre course for the Soviet Union. National Geographic. https://www.nationalgeographic.com/history/article/red-terror-set-macabre-course-soviet-union)) Estado rin nila ang nagsimula ng “Gulag,” o concentration camp para sa mga political prisoners.
Diba estado ni Mao ang dahilan kung bakit milyung-milyong tao ang namatay sa gutom noong “Great Leap Forward”? ((Szczepanski, K. (2020, August 28). The Great Leap Forward. Retrieved from https://www.thoughtco.com/the-great-leap-forward-195154 )) Dahil sa pangamba, ang estado niya rin ang nagsimula ng Cultural Revolution, kung saan tinatarget ng mga Red Guards ang revisionists at ibang kalaban ng estado.
Diba ang estado ang gumagawa ng batas na nagpapahirap lamang sa mga manggagawang-uri? Kung lalabag, mayroong mga kulungan na palaging bukas at naghihintay. Ang mga presong ito ay di makatao: siksikan, mainit, nakakawala ng dangal, puno ng galit at pighati. Kaparusahan lang ang naghihintay sa mga taong nagkakasala, at hindi pagbabago.
Estado lang ang may kakayahang sumira nang pagkarami-raming buhay at likas yaman.
Mahirap mang ipaliwanag sa mga kapwa natin na posible ang magtulungan nang di kailangan ang gobyerno, ito ay nangyayari na sa iba’t ibang dako ng mundo! ((Finding the Thread that Binds Us: Three Mutual Aid Networks in New York City https://crimethinc.com/2020/06/26/finding-the-thread-that-binds-us-three-mutual-aid-networks-in-new-york-city
Doing What State and Market Cannot: The Visible Hand: How a Mutual Aid Network Serves Tens of Thousands in Poland https://crimethinc.com/2020/08/25/doing-what-state-and-market-cannot-the-visible-hand-how-a-mutual-aid-network-serves-tens-of-thousands-in-poland
Puerto Rico: The Road to Decolonization: Disaster Relief, Mutual Aid, and Revolt https://crimethinc.com/2021/02/08/puerto-rico-the-road-to-decolonization-disaster-relief-mutual-aid-and-revolt
Solidarity, Direct Action, and Self-Determination: Kasa InvisívelAn Occupied Social Center Becomes a Hub of Mutual Aid in Belo Horizonte, Brazil https://crimethinc.com/2020/09/28/solidarity-direct-action-and-self-determination-kasa-invisivel-an-occupied-social-center-becomes-a-hub-of-mutual-aid-in-belo-horizonte-brazil ))
‘Di ba natural sa kalikasan ang pang-iibabaw, o ang pagkilala sa autoridad?
Ang problema sa autoridad, noon hanggang ngayon, mabuti man o masama ang hangarin, ay sa tingin nila, alam nila kung ano ang nararapat para sa atin.
Ang argumento ng iba: “Human nature na ang maging ganid, violent, kaya kailangan mayroong mamamahala sa atin.”
Kung hanggang dito lang ang pag-iisip, hindi talaga magiging sapat ang “tiwala lang.”
Ang pwedeng ibalik dito ay: “Kung masama na ang human nature, bakit natin dapat ipagkatiwala sa kanya ang mamahala? Kung natural siyang masama, kasamaan lang din ang magagawa niya sa pamumunuan niya.”
Kung ang mga tao ay likas namang may kabutihang loob, kailangan pa ba natin ng lider? Baka kaya na nating pag-usapan ang anumang magiging hidwaan sa pagitan natin?
Maliban na lang kung ang pakay lang nila ay makatulong sa nakararami, bakit hindi na lang asikasuhin ng mga lider ang pagpapabuti sa ating mga kalagayan, at wag nang makialam sa mga personal na buhay natin?
Teka, kaya bang gawin yun nang magkabukod?
Konsepto ng bilang/dami
Kailangan nating maunawaan ang kakayahan ng isang tao na isipin ang bilang/dami (ng anumang bagay), at kung paano maaaring makaapekto ang paglaki o pagliit nito sa ating pananaw.
Isipin ang mga sumusunod:
- Kaya mo bang isipin ang limang aso? Eh ang isang daang aso? Eh ang isang milyong aso? Kaya mo bang ilarawan ito sa iyong isipan?
- Kaya mo bang isipin ang isang butil ng buhangin? Eh ang kalahati nito? Eh ang kaapat nito? Kaya mo bang ilarawan ito sa iyong isipan?
- Kaya bang mag-usap-usap ng tatlong tao nang nagkakaintindihan? Eh nang isang daang tao? Eh nang isang milyong tao? Kaya bang maintindihan nang bawat isa ang takbo ng usapan kung ganito karami ang nag-uusap-usap?
Maaaring ihalintulad ang [3] sa pamumuno ng lider sa isang komunidad. Kung nakasentro lang sa iisang tao/grupo ang pagdedesisyon, paano sila nakakasigurado na angkop para sa lahat ang desisyon na ito?
Sa paglaki ng populasyon, di maikakaila na mas lalong humihirap ang mag-organisa nang walang nahihirapan, naiiwan, o nasasaktan. Para umalalay sa kakulangan ng lider mamuno, gagamit ito ng mga mapang-aping paraan, tulad ng paglikha ng kapulisan.
Bakit hindi bitak-bitakin ang isang malaking grupo sa mas maliliit na hanay, kung saan mas malaki ang pagkakataon na magkaunawaan ang mga tao?
Kapangyarihan na ayaw bitawan
Di na bago sa atin ang political dynasties, kung saan kabilang na ang mga Ampatuan, Aquino, Duterte, Estrada, Marcos, Ortega, Roxas, atbp. Marami sa kanila ang nananatiling may position sa gobyerno.
Sa kanila, ang kapangyarihan ay karangyaan. Ang karangyaan ay nagbubunga pa ng kapangyarihan. Natural lang na gagawin nila ang lahat upang manatili sa pwesto. Sa diktadurya man o demokrasya, ang mga taong naghahari-harian lang makikinabang kung naka-sentro sa kanila ang kapangyarihan.
Hindi nila napapansin na nakatapak sila sa mahinang tungtungan. Anumang panahon ay (i)tataob ito.
Ang Tugon
Kailanman, saanman, hindi monopolyo ang sagot. Wag sumunod sa mga gustong mamuno sa’tin. Kung interes lang din ang pag-uusapan, mas interesado kami sa kalayaan ng lahat ng lipunan. Hindi nila kayang hulihin tayong lahat.