“Ang Buhay na Walang Batas” ay unang inilathala ng Strangers In a Tangled Wilderness bilang “Life Without Law: An Introduction to Anarchist Politics” noong 2013. Inisalin sa Tagalog ni Lahumbuwan.
Paunang Salita ng Tagasalin
Magalak kong pinasasalamatan ang aming mga kaibigan sa Strangers In a Tangled Wilderness na pumayag sa pagsasalin ng kanilang teksto. Nagpapasalamat din ako kay Magsalin at Butingtaon para sa kanilang oras at tulong.
Maari ninyong hanapin ang orihinal na teksto sa ingles sa website ng Strangers In a Tangled Wilderness mismo o sa Anarchist Library.
Introduksyon sa Pulitikang Anarkista
Nais ko ay kalayaan, ang karapatang ipahayag ang aking saloobin, ang karapatan nating lahat sa mga ginhawa at kagandahan.
—Emma Goldman, 1931
Ang anarkista ay isang tao na tumatanggi sa pangingibabaw ng iisang tao o uri sa iba. Ang anarkismo ay isang malawak na termino para sa isang grupo ng pilosopiyang pulitikal na nakasalig sa ideya na maari tayong mamuhay bilang mga anarkista. Ang gusto naming mga anarkista ay isang mundong walang bansa, gobyerno, kapitalismo, rasismo, seksismo, diskriminasyon kontra-LGBTQ+… isang mundo kung wala ni isa sa pagka-rami-raming nagkaka-halo-halong mga sistema ng pangiibabaw na nagpapabigat sa mundo ngayon.
Walang nagtatanging pamamahayag ang anarkismo dahil sari-saring ideya ang sumasaklaw dito, hindi lang isang dogma. Dapat lang, dahil ganoon ang gusto namin.
Ang Mundo Ngayon
May tungkulin kang magpanggap na may galang ka para sa mga tao at mga institusyon na alam mo namang walang katuturan. Nabubuhay kang nakakabit na parang duwag sa mga kaugaliang moral at sosyal na ikinamumuhi mo, isinusumpa, at alam mo walang saligan. Ang permanenteng kabalintunaan sa pagitan ng iyong mga ideya at ang mga kagustuhan at lahat ng mga patay na pormalidad at banidosong pagmamagaling ng iyong kabihasnan ay ang nagpapanlumo, nanggugulo, at nagpapabigat sa iyo. Sa di-matiisang kabalintunaan na iyon ay nawawala ang iyong saya at ang lahat ng damdamin ng pagkakatao, dahil bawat minuto ay sinusugpo at ipinipigil at sinasaklaw ang iyong mga likas na kakayanan. Iyan ay ang nagnanana at nakamamatay na sugat ng mundong sibilisado.
—Octave Mirbeau, 1899
May mga nagsasabi na hindi gagana ang anarkismo, na kailangan natin ng batas at pulis at kapitalismo. Pero sinasabi namin na ang mga sistema natin ngayon ay ang mga hindi gumagana.
Iniinit ng industrialisasyon ang ating mundo sa isang antas na baka ikamamatay nating lahat. Kung suswertehin tayo, ang resulta ng mga kagagawan ng sangkatauhan ay magtatapos sa isa sa mga pinakamalaking paglilipol sa kasaysayan ng buong mundo. Lumalawak ang mga disyerto dahil sinisira natin ang kagubatan, at ang systematikong pag-aapi sa mga maralita ay ipinapalawak ang disyerto ng pagkakulang ng pagkain sa ating mga siyudad.((Ang “disyerto ng pagkakulang ng pagkain” o ang food desert ay ang mga lugar kung saan mahirap hanapin at mahirap bumili ng mga mura at masusustansyang pagkain. Ang kasalungatan nito ay ang food oasis, ay ang mga lugar na puno ng mga supermarket at kung saan mabilis lang bumili ng sariwa at masusustansyang pagkain.))
Bilyon-bilyong tao ay nagugutom araw-araw sa ating mundo dahil, sa ilalaim ng pandaigdigang kapitalismo, mas maraming kikitain ang naghaharing uri kung nagpalago sila ng pananim para sa page-eksport kaysa sa pakainin nila ito sa sarili nilang mga tao. Ang agham ay ginawang alipin ng mga gahaman sa pera, at ang pagsasaliksik ay popondohan lamang kung gagalugarin nito ang mga bagay na lalong magpapayaman sa mga lintang mayaman na.
Pati na rin ang panggitnang uri ay unti-unting nawawasak. At sa ekonomiyang ito, wala na masyadong bumibili sa alamat ng kasaganaan na idinudukdok sa atin mula pa noong bata pa tayo.
Sinasabi sa atin na hindi gagana ang anarkiya dahil ang mga tao ay may mga “likas” na kamalian at napapagalaw lamang ng sarili nilang mga interes. Tapos nakakagawa sila ng di-makatuwirang koneksyon mula sa ideyang ito sa ideya na kailangan natin ng mga pinuno at ng pamahalaan. Pero kung hindi natin mapagkakatiwalaan ang mga tao na mamuno sa sarili nila, bakit natin sila pagkakatiwalaan na managot para sa taumbayan?
Responsibilidad at Kalayaan
Ang anarkista ay isang tao na, habang namimili, ay inaako ang responsiblidad ng pagpipili.
—Ursula K. Le Guin, 1974
May ilang mga anarkista na gustong isipin ang anarkismo bilang ang pagsasama ng responsiblidad at kalayaan. Sa lipunan ng estado, sa ilalim ng pamamahala ng gobyerno, tayo ay pinapanagot sa mga itinakdang batas kung saan di naman tayo sumang-ayon. Inaasahan nila na tayo ay magiging responsable kahit hindi nila tayo ipinagkakatiwalaan na maging malaya. May batas para sa lahat: kung sino pwede nating mahalin, kung ano ang mga guni-guning linya na di natin dapat tawirin, kung ano ang pwede nating ipasok sa sarili nating mga katawan. Hindi tayo pinagkakatiwalaan para magkilos base sa ating sariling kapangyarihan. Sa bawat sulok tayo ay pinamamahala, minamamasid, pinupulis, at, kung tayo ay sumusuway, kinukulong.
Ang kabaligtaran — kalayaan na walang responsibildad — ay wala ring katuturan, at bahagi lamang ng mga popular na alamat tungkol sa anarkiya. Ang pamahalaan ay nabubuhay dahil sa mga kamaliang ito, na ang pag-iiral ng pulis at kulungan lamang ang naghihinto sa ating madugong pagpapatay sa isa’t-isa. Pero sa totoo, ang mga tao sa mundong ito na ngayon ay kumikilos nang malaya at nang walang responsibilidad ay ang mga may napakaraming pribilehiyo sa ating lipunan,. Sila ay ang mga taong walang pinapanagutan, katulad ng mga pulis at mga bilyonaryo. Naiintindihan na ng marami sa atin na para maging malaya, kailangan nating managot sa mga minamahal natin at sa mga taong madadamay sa ating mga gawa: ang ating pamayanan, ating pamilya, at ang ating mga kaibigan.
Kontra-Kapitalismo
Ang unang taong binakuran ang kanyang lupa, at nagsabing “Akin ito”, na syang nakatagpo ng mga taong pinaniwalaan sya dala ng kanilang kamangmangan, ang taong ito ang tunay na tagapag-tatag ng sibilisadong lipunan. Ilang pagkakasala, digmaan, at pamamaslang, ilang katakutan at kasawian kaya ang naiwasan ng sangkatauhan, kung atin lamang na tinumba ang mga bakod, pinunan ng bangbang harang, at sinigaw sa ating mga kasama: Mag-ingat kapag pinapakinggan ninyo ang manlolokong ‘to; ikaw ay masisiraan kung makalimutan mo na ang bunga ng lupain ay ari nating lahat, at na ang lupa mismo ay walang may-ari.
–—Jean-Jacques Rousseau, 1754
May ideya na napatunayan na huwad sa pandaigdigang antas, na “mapakipakinabang,” o “mabuti,” o “mas natural” para sa lahat ng mga tao sa sosiyedad natin na kumilos lamang para sarili. Sa ekonomikong mga salita, ito ang pangunahing alamat ng kapitalismo: na ayos lang na apak-apakin natin ang isa’t isa araw-araw, at kung ginawa natin tong lahat, na marami pa ring mananalo. Pero ang lumalamang lang, kung maniniwala ka sa mitong yun, ay ang mga taong nanalo na at mananalo: ang mga tao na hawak na ang lahat.
Maraming nagiisip na ang kapitalismo ay isang sistema kung saan ang mga tao’y nagtatrabaho para sa pera na maipapalit para sa gamit o serbisyo, pero mali ang pagkaunawang ito. Sa halip, ang kapitalismo ay isang sistemang ekonomiko kung saan masasamatalahan ng mga tao ang kapital na hawak nila para huthutan ang ibang mga tao. Ang ibig sabihin nito ay na ang kapitalismo ay isang sistema na pinapayagan ang mga may-ari na huwag na lang magtrabaho, pero lahat na mga hindi may-ari ay kailangang magtrabaho. Ang uring may-ari ay nagkakapera dahil lamang sa kanilang pagpapakaroon ng pera. Kumikita sila sa pamumuhunan, sa pagrerenta, sa halaga na ginagawa ng kanilang mga empleyado. Ang kanilang buhay ay napupuno ng luho dahil sila’y nakikibahagi sa proseso ng panunupil sa lahat ng mga nagtatrabaho para kumita.
Ang kapitalismo ay isang sistema kung saan ang isang uri ng mga tao ay nangingibabaw sa iba, at sumasalungat kami sa sistemang ito. Sa halip ng kapitalismo, kami’y nagmumungkahi ng iba’t ibang paraan para ayusin ang ating mga ekonomiya. May ilang mga anarkista na naninindigan para sa komunismo, kung saan ang kasangkapan ng paggawa ay ari ng lahat ng miyembro ng isang komyun. Ang mga iba naman ay pabor sa mutualismo, kung saan ang kasangkapan ng paggawa ay ari ng mga indibidwal o kolektibo. Gumagamit pa rin ang mga tao ng pera, ngunit kumikita lamang ang mga tao dahil nagtatrabaho sila, at hindi dahil sa kapital. Gayunman, may mga iba pa rin na nagbabadya para sa sistema ng gift economics or ekonomiya ng pagreregalo, isang sistemang organiko kung saan ang mga tao ay malayang nagbibigayan sa isa’t isa nang walang pumipilit sa kanila. Sa sistemang ito, ang mga tao ay nagpapamahagi ng kahit anong gusto nila sa oras na gusto nila sa mga tao na gusto nilang bigyan. Mas marami pang ideya kaysa rito, at maraming anarkista ay naniniwala na dapat malaya ang kahit anong grupo ng anarkista para mamili kung anong sistema ay mas angkop sa kanila — basta’t iniiwas ng mga ideyang iyon ang mga sistema na halatang nagpapasiil katulad ng kapitalismo.
Kontra-Estado
Ang gobyerno ay isang lupon ng mga taong gumagawa ng karahasan sa ating lahat.
—Leo Tolstoy, 1894
Sa mga nakararaang taon, ang maunlad na retorika sa mga Kanlurang lipunan ay tumutuon sa mga tanong tungkol sa mga angkop na anyo ng pamhalaan. Ngunit ang paghahati ng mga tao at heograpiya sa mga “estado” kung saan sila ay pinamamahalaan ay katawa-tawa at nakaksama. Para sa mga anarkista, ang mga tanong tungkol sa pinaka-angkop na anyo ng pamahalaan ay parang nagtatanong lamang kung mas mainam ba na makain ng buwaya o ng pating. Ang tanong na madalas hindi naiboboses ay kung tayo ba ay dapat “pamamahalaan”
Hindi naman tinatalikuran ng mga anarkista ang organisasyon. Kung tutuusin, ang daing oras nga na nagagasta ng mga anarkista dahil sa mga kasalimuutan nito. Sumasalungat kami sa pamahalaan dahil sumasalungat kami sa pamamahalaan, hindi dahil sumasalungat kami sa pag-oorganisa kasama ng mga kapwa para sa kabutihan nating lahat.
Pero hindi din namin sinasabi na ang gusto namin ay demokrasya. Sa pinakamasamang kaso, katulad ng pagsasagawa nito sa Pilipinas, US, at sa iba pang mga bansa, may “representatibong” demokrasya, kung saan tayo ay naglalaan kung sino ang mga pinuno natin. Sa pinakamabuting kaso, baka magkaroon tayo ng “direktang” demokrasya kung saan nakakaboto tayong lahat sa mga desisyon. Ngunit ang demokrasya ay uri pa rin ng pamahalaan, isang uri na lumilikha ng batas na lahat ay napipilitang sundan — parang kung anim na lobo at apat na kambing ay nagtipon para planuhin kung anong kakainin nila mamayang gabi.
Para sa atin, gagawa tayo ng mga istrukturang magsasaayos para magkaroon ng buong pagsasarili ang bawat indibidwal, kung saan ang isang tao ay hindi mapipilitang sumunod sa mga ninanais ng grupo. Dahil hindi kami interesado sa mga statik na istruktura ng pagsasaayos, na may takda at opisyal na pagsapi, ang mga anarkista ay nakakapagayos nang natural. Labas-pasok ang mga tao sa organisasyo, at mga organisasyon din ay nalilikha at naghihiwalay alinsunod sa mga kinakailangan ng mga tao na gumagamit sa kanila. Kadalasan, kinakailangang bumuo ng mas malaking istruktura, bumubuo ang iba’t ibang grupo ng mga network, o mga istrukturang pahalang para sa pagpapalaganap ng ideya at impormasyon at para sa pagpaplano ng masisikot na operasyon.
Isang Mundong Walang Batas
Kahanga-hanga naman ang batas, sa kanyang dakilang pagkakapantay, na ang mga mayayaman at ang mga mahihirap ay parehong ipinagbabawal na umihi sa mga kanto, matulog sa ilalim ng mga tulay, at magnakaw ng tinapay!
—Anatole France, 1894
Walang dakilang ideya, sa kaniyang pagsisimula, ay tumatalima sa batas. Paano nito tatalima? Ang batas ay hindi nagbabago. Ang batas ay nakapirmi. Ang batas ay isang gulong ng kalesa na bumibigkis sa ating lahat kahit saan, kahit kailan.
—Emma Goldman, 1917
May ibang mga tao na mahilig talagang maggiit na hindi mo kayang tumutol sa isang bagay hangga’t di mo alam kung anong itinataguyod mo. Tumatanggi kami rito. Para sa amin, hindi responsibilidad ng mga inaapi na tukuyin kung ano ang gusto nilang ipagpalit sa mga nang-aapi sa kanila.
Kung may nagbubugbog sa akin gamit ang dos por dos, hindi ko naman nararamdaman na kailangan ko pang sabihin kung ano na lang sana yung ginamit para bugbugin ako. O, para mas deretso, binabatuta tayo ng pulis at ginigiit ng midiya na kung gusto nating hindi mabatuta, kailangan nating isaad kung paano natin aatupagin ang krimen at ang pagpaparusa sa loob ng isang lipunang anarkista. Ngunit habang ang pagkikilala at ang pagwawasak ng mga sistema ng pangiibabaw ay ang mga gawaing agad-agad nating ikinakaharap, gumuguni-guni din kami paminsan-minsan tungkol sa isang mundong walang batas. At minsan, may pagkakaton kami para ganapin ang mundong iyon para sa mga ilang araw, linggo, o taon, sa mga grupong malaki at maliit – at nakakamit din namin ang tagumpay paminsan-minsan. Ang mundong walang batas ay hindi isang mundong walang mga guidelines o panuntunan. Kami’y sumasalungat sa batas dahil ito’y isang paraan lamang para intindihin ang kaugalian ng mga tao. Ito’y inilikha — at ipinapatupad — para supilin ang lipunan, hindi para makamit ang hustisya. Mga batas ay idinidisenyo para maging malabo ngunit mahigpit, at ito’y gumagawa ng mga patibong para sa mga nasalanta na ng ating lipunan.
Ang isang batas ay hindi isang kapaki-pakinabang na kagamitan para husgahan ang kaugalian ng mga tao. Kagaya ng ating mga kasabihan: kung ayaw may dahilan, kung gusto may paraan. Hindi mo kailangan ng batas kung matino ka, pero susuway ka naman talaga kung masama ka. Ang mga batas ay itim at puti, pinipilitan nila ang mga tao na sundin ang “letra” ng batas habang masaya nilang binabalewala ang “espiritu.” At higit pa, dahil ang mga batas ay ipinaiiral gamit ang karahasan tugon sa pinakamaliit na hamon, hinahati nito ang lipunan sa mga taong masyadong takot na sumuway kahit hindi nila alam kung bakit sila sumusunod, at mga tao na lumalabag sa batas para lang lumabag. Gayunpaman, sinasagabal ng mga batas ang abilidad ng mga tao para bumuo ng sarili nilang etika. Hindi nila tinutulungan ang mga tao na matuto kung paano igalang ang kanilang mga kapwa para lamang magbigay ng galang.
Ang mga taong hinihimok na kumilos nang makatao ay kumikilos nang makatao, at ang mga taong itinatrato nang may pagmamalasakit ay kadalasang tumutugon din gamit ang kanilang pagmamalasakit. Siyempre parating may mga taliwas, ngunit para sagutin ang mga taong iyon, ang mga panuntunan — na pwedeng magbago depende sa mga kalagayan — ay mas kapaki-pakinabang pa sa kahit na anong batas na pwedeng ipatupad. At higit pa, maraming anarkista ay gumagawa ng paraan para maisagawa ang hustisyang nakakapagpabago o “transformative justice.” Ito ay ang konsepto na, kahit imposible na ayusin ang pinsala ng hindi makatiwirang gawain at ng taong nagpasimuno nito, posibleng makipagtulungan sa nagpasimuno para manangot sa ginawa nila. Ang pananagot na iyon ay isinasagawa upang maiwasan ang pag-uulit ng kanilang mapinsalang gawain. Ang anarkistang lipunan, kagaya ng iba, ay ipagtatanggol ang sarili laban sa mga taong hindi kaya o hindi gustong managot sa kanilang kinagagawan. Ngunit intong pagtatanggol sa sarili ay isinasagawa sa pangangalan ng proteksyon imbes na sa “pagpaparusa” o “paghihiganti”. Kailangan ding isaad rito na kagaya ng aming samu’t-saring ideya’t pamamaraan, ang hustisyang nakakapagbago ay isinasagawa — at binubuo — hindi lang ng mga anarkista ngunit ng iba’t-ibang aping grupo.
At siyempre, hindi tayo namumuhay sa isang anarkistang lipunan na malaya sa impluwensiya ng kulutura ng pangingibabaw na lumiligid sa atin. Kahit anong kaisipan na mayroon tayo hinggil sa isang mundong walang batas ay mga makatwirang haka-haka lamang. Muli, mayroon tayong karapatan na ikundena ang kalupitan, katulad ng kultura ng mga kulungan at mga pulis, ng hindi natin nakakaramdam na may tungkulin tayong subukin at patuparin ang mga ganap na alternatibo.
Pag-babayanihan at Pagkakaisa
Ako ay malaya lamang kapag nakamit ng sangkatauhan ang kalayaang pantay-pantay para sa lahat. Ang kalayaan ng ibang mga tao ay hindi naglilimita o tumatanggi sa aking kalayaan, bagkus ito ay ang kanyang kinakailangang saligan at patunay.
—Mikhail Bakunin, 1871
Ang pag-babayanihan ay ang pakikipagtulungan, at isa ito sa pangunahing paniniwala para sa mga anarkista. Naniniwala kami na ang mga tao ay nakakapagkilos sa makabuluhang paraan kapag sila ay malayang nagbibigayan sa isa’t-isa, kahit walang pumipilit sa kanila. Nagbibigayan kami dahil nakakapagtulong ito sa amin at sa aming mga kapwa upang bigyan kahulugan ang aming mga buhay. Mas mahalaga sa amin na makipag-tulungan imbes na makipaglaban.
Ang kahulugan ng pagkakaisa ay pagiging resbak ng iyong mga kasama. Ang pagkakaisa ay ang pinakamalakas na dahas na pwedeng gamitin ng mga api sa mga nang-aapi sa kanila. Bawat beses na pinagbabantaan nila ang isa sa amin, kumikilos kami nang parang pinagbanbantaan nila kaming lahat. Mariming mukha ang pagkakaisa. Ang pagkakaisa ay ang mga taong sumusunggab sa pulis para palayain ang isang nagpoprotesta, ito ay demostrasyon o pagkikilos sa ngalan ng mga taong pinapatahimik ng estado. Ang pagkakaisa ay ang pagbabantay sa mga bata ng mga bagong magulang, ang pakakaisa ay ang pagbibigay ng tulong-medikal. Ang pagkakaisa ay ang pagpapakita na wala sa atin ay nag-iisa kapag idinidugtong natin ang ating pakikibaka.
Pwedeng sabihin na ang pagkakaisa ay ang kabaligtaran ng mga kawang-gawa. Ang mga kawang-gawa ay paraan ng pagbibigay ng tulong na nagpapatibay sa pamumunuan o herarkiya sa pagitan ng mga grupo. Kapag ang mga mayayaman ay nagbibigay ng pera para sa kawang-gawa, ang mga mahihirap ay mas lalong umaasa sa mga mayayaman. Ngunit ang mga mahihirap na nakikipag-ayos para makibahagi ng mga mapagkukunan bilang mga magkapantay ay kumikilos dahil sa pagkakaisa.
Pagsasang-ayon at Pagkasunduan
Kung sinumang inilalagay ang kamay niya sa akin para lamang pamahalaan ako ay isang mang-aagaw at isang maniniil, at idinideklara ko na siya’y aking kalaban.
—Pierre-Joseph Proudhon, 1849
Dahil kaming mga anarkista ay kumikilos kasama ng mga tao batay sa mga kagustuhan nila, gumagamit kami ng iba’t-ibang paraan para tiyakin kung ba ang gustong gawin ng mga tao.
Sa antas-indibidwal, kami ay interesado sa mga gawing nakabase sa pagsasang-ayon. Nakakamangha na hindi tayo tinuturuuan sa ating kasalukuyang lipunan kung paano bigyan ng halaga ang pagsasang-ayon ng ating mga kapwa.
Ang pagsasang-ayon ay isang paraan para tiyakin kung anong nais gawin ng mga kasama mo. Madalas ito ay paraan para humingi ng pagsasang-ayon ng iyong kapwa bago kayo kumilos. “Gusto mo bang pumunta sa demonstrasyong ito?” “Pwede ba kitang halikan?” “Pwede ko bang hawakin ang likod mo?” “Kailangan mo ba ng tulong?” Totoo na mga tao na bumubuo ng mga di-berbal na paraan para magbigay ng kanilang pagsasang-ayon. Ngunit ang mahalaga ay huwag kumilos basta’t hindi mo alam kung nabatid ng iyong kasama ang mga kalalabasan ng pagkikilos, na nasa tamang isip sila para magpasiya, at masigla silang nagsasang-ayon.
Isang paraan din para tiyakin ang pagsasang-ayon sa mga malalaking grupo ay ang pagkakasunduan.
Sandigan ito sa maraming anarkistang paraan ng pagpapasiya. Ang pagkakasunduan ay isang paraan para tiyakin kung ano ang pinaka-katamtamang pagkikilos para sa lahat ng mga tao na bilang ng isang grupo. “Babarikadahan ba natin ang gusaling ito?” “Gusto ba natin lagdaan ang publikong liham na ito bilang grupo?” “Ilalathala ba natin ang librong ito?” Isang grupo na iginagalang ang pagsasarili ng bawat taong kabilang rito ay karaniwang kumikilos gamit ang pagkakasunduan. Minsan ang pagkakasundo ay pinagkakamalang parehas sa pagboboto, ngunit ang lahat ay nagkakasunduan imbes na sundan ang ninanais ng karamihan. Pero ang pagiisip na ito ay nakasadlang pa rin sa pagboboto, at ang pagboboto ay isang paraan ng pagpapasiya na kompetitibo at hindi inilikha para magbigay-galang sa pagsasarili ng mga tao. Ang pagkakasundo, imbes na maging paraan para udyukin ang lahat na sumang-ayon sa isang plano, ay isang paraan para saliksikin kung ano ba talaga ang mga makatwirang hangganan ng kahit anong grupo. Kung hindi makakapagsunduan ang lahat ng mga miyembro para sa isang pagkikilos, klaro na ang pagkikilos ay kailangang maganap sa labas ng grupo – kung magaganap man siya. Iba siya sa pagsasang-ayon sa antas-indibidwal dahil hindi naman kailangan na lahat na nasa grupo ay kailangang magbigay ng kanilang masiglang pagsasang-ayon, at ang “pagbibigay ng daan” sa isang desisyon ay karaniwang at kagalang-galang na gawi.
Hindi lahat ng mga kolektibo at grupo ay pormal sa kanilang paraan ng pagpapasiya gamit ang pagkakasunduan. Marami ring mga grupo na tumatakbo sa modelo ng “pagsasarili” kung saan ang mga miyembro ng grupo ay pinagtitiwalaang kumilos sa ngalan ng grupo at managot sa mga ka-grupo nila para sa mga kilos at desisyon nila.
Direktang Pagkikilos
Alam ng mga anarkista na ang malalaki’t saligang pagbabago sa lipunan ay kailangang unahin ng isang mahabang panahon ng pag-aaral, kaya hindi sila naniniwala sa paglilimos para sa mga boto, o sa mga kampanyang pulitikal, ngunit sa pagbubuo ng mga taong nakakapag-isip para sa sarili.
—Lucy Parsons, 1890s
Ayaw ng mga anarkista na pabutihin lamang ang umiiral na sistemang pulitika, ang ninanais namin ay ang pagbubuwag nito. Maski ang adbokasiyang pulitikal, kung saan puwede kaming manawagan sa iba para baguhin ang ating mga kasalukuyang kalagayan, madalas naming isinasagawa ang direktang pagkikilos.
Ang direktang pagkikilos ay isang pamamaraan kung saan tayo ay namamahala sa sarili nating buhay, kung saan pwede nating kamkamin ang pagsasariling kapyangyarihan na inaagaw sa atin ng ating mga sistema ng pamamahala, kung saan pwede tayo maging mga tao na nag-iisip para sa sarili natin.
Imbes na magmakaawa at magpalimos sa pamahalaan at korporsayon para ipagtanggol ang kalikasan, hinaharangan natin ang mga lagari gamit ang ating mga katawan — o subuking pasukan ang mga kampo sa gabi at sunugin ang mga trak ng mga nagtotroso.
Walang sistema na nakasalig sa industrialisasyon at kapitalismo ay uunahin ang ating kalikasan imbes na sa kanilang kita, kaya hindi na kami mag-aaksaya ng oras sa mga panawagan. Sa halip ng pakikiusap sa mga kapitalista para bawiin ang kanilang patakarang pamamakal na ginugutay-gutay ang mga bansang umuunlad pa, sisipot na lang kaming lahat sa kanilang mga pulong at pipigilan namin ang kanilang mga sugo sa pangangalakal para wala silang pagkakataong magbalak pa. Sa halip na mangampanya para sa karapatang magpakasal, mamumuhay na lang kaming mga LGBTQ+ kung paano namin gusto at kasama ng kung sinong pipiliin namin. At ipagtatanggol namin ang aming sarili mula sa panatiko imbes na makipagusap pa sa estado para mamagitan.
Pagsasabuhayo “Prefiguration”
Kung kinuha mo ang pinaka-marubdob na rebolusyonaryo at binigyan mo siya ng walang-takdang kapangyarihan, paglipas ng isang taon siya’y magiging mas masahol pa kaysa sa mismong Tsar.
—Mikhail Bakunin
Kami ay lumalahok sa direktang pagkikilos dahil nakikita namin na hindi maaaring paghiwalayin ang aming pamamaraan sa aming mga layunin. Baka naman wala talaga sa amin ay mabubuhay sa isang lipunang anarkista, ngunit hindi ito dahilan para hindi kami mamuhay bilang anarkista ngayon. Ang pagiging isang anarkista ay hinggil sa isang maningning na Yutopia na ninanais mong maranasan, ngunit, sa pinakaunti, ito din ay tungkol sa mga paraan na hinaharap mo ang mundo at kung paano mo itinuturing ang iyong mga kapwa.
Minsan tinatawag namin ang pagkakabit ng pamamaraan at layunin bilang “pagsasabuhay,” o sa ingles, “prefiguration.” Ninanais ng mga anarkista na kumilos sa mga paraan na ipinapalawak nang husto ang pagsasarili ng kanilang mga kapwa. Kadalasang iminumungkahi ng ilang mga Marxista, estatistang komunista, at iba pang “rebolusyonaryong” ideyolohiya na gamitin ang isang pangungunang hanay, o “vanguard,” upang mangamkam ng kapangyarihan. Nguit wala kaming interes sa pangangamkam ng kapangyarihan para kung sinuman kundi ang aming sarili, at sumasalungat din kami sa mga taong nag-iisip na makatuwiran lamang na sila’y mamahala sa atin, “rebolusyonaryo” man sila o hindi.
At saka ang ibig sabihin ng pagsasabuhay ay na hindi kami pumapayag sa pagkakaroon ng ugaling mang-aapi sa aming mga sirkulo, dahil pinagsisikapan namin ang isang mundong walang ugaling mang-aapi.
Hindi naman ito ibig sabihin na kami ay tahimik o nag-aayaw sa gulo. Kahit naniniwala kami na isang mundong responsible at anarkista ay mas mapayapa pa kesa sa mundong tinitirahan natin ngayon, tinatanggap ng maraming anarkista na may mga oras na kailangan talagang sagutin ang pangingibabaw gamit ang marahas na puwersa para lamang tigilin ito. Ang problema namin ay sa mga sistema ng pangingibabaw na gumagamit ng karahasan, at hindi sa karahasan mismo.
Mga Taktika
Ang anarkista ay isang tao na itinatanggi ang pangangailangan at ang pagiging makatuwiran ng pamahalaan; ang tanong tungkol sa kaniyang pamamaraan para lusubin ito ay dayuhan sa kahulugan.
—Benjamin R. Tucker, 1895
Walang iisang ideya ng anarkistang ekonomiya, at katulad nito, walang iisang balangkas ng anarkistang taktika na itinatanggap ng lahat ng mga anarkista. Alam namin na naniniwala kami sa direktang pagkikilos, nguit anu-anong uri nito? Halos lahat ng mga indibidwal na anarkista o mga grupo ng anarkista ang may kani-kanilang sagot sa tanong na ito.
Ang pinaka-kilala na anarkistang taktika ngayon sa ika-21 na siglo ay ang black bloc. Ang black bloc ay taktika kung saan itinatago namin ang aming mga identidad gamit ang mga kapare-parehong itim na kasuotan, tapos sumasagawa kami ng iba’t-ibang direktang pagkikilos. Madalas naming ginagawa ito sa publiko. Ang pinaka-tanyag na pagkikilos ay ang pagbabasag ng mga bintana ng mga bangko, korte, prangkisa, at iba pang mga institusyon at simbolo ng pangiibabaw. Ang ikalawang pinaka-tanyag na pagkikilos na isinasagawa ng mga black bloc ay ang pagtatanggol ng mga nagra-rally laban sa pulis gamit ang mga panangga, matitibay na bandila, at — paminsan-minsan — mga sandata kagaya ng bato o poste ng bandila. Ang taktikang black bloc ay popular pa rin ngayon dahil ito ay epektibo at nakakabigay ng kapangyarihan sa mga lumalahok. Kumpara sa ibang mga taktika, epektibo din ang proteksyon na ibinibigay ng black bloc para sa mga sumali laban sa pagsusupil ng kapulisan. Ngunit hindi ibig sabihin nito na lahat ng mga anarkista ay lumalahok — o sumusuporta — ng mga taktika ng black bloc. Hindi din ibig sabihin nito na ang mga sumasali sa mga black blocs ay hindi na gumagamit ng iba pang mga taktika.
Ang dami-daming mga taktika na ginagamit ng mga pandaigdigang anarkista bukod sa pagsusuot ng itim at paglalabas sa mga lansangan. (Kunwari, minsan nagsusuot naman kami ng ibang kulay kung may pagkilos kaming gagawin.) Nag-oorganisa kami ng mga rally. Nag-oorganisa kami ng mga libreng hapunan para sa aming sarili at para sa mga ibang taong nangangailangan ng pagkain. Nag-oorganisa kami ng mga buklod sa mga pinagtatrabahuan at nagsisimula kami ng mga kooperatiba na ari ng mga taong nagtatrabaho. Nagsisikap kami patungo sa mga lungsod na idinisenyo para sa mga tao at sa kalikasan, imbes na para sa kagustuhan ng mga mayayaman. Nagbabato kami ng mga itlog sa mga pulitiko para ipakita sa mundo na sila din ay naaano. Gumagawa kami ng mga magasin, blog, at nagsusulat bilang mamamahayag. Nagha-hack kami ng mga security database at nagle-leak kami ng impormasyon sa publiko tungkol sa mga pamamaraan na tayo’y tinitiktikan. Lumilikha kami ng mga kuwento kung saan bida ang paglalaban sa panunupil. Tinutulungan namin ang mga tao na tawirin ang mga hangganan. Nilalaban namin ang mga pasista sa mga kalsada. Kilala kami bilang mga taong nagsusunog ng ilang mga gusali. Medyo matagal-tagal na rin noong huli kaming nakapatay ng hari.
Tapat naming itinatanggol ang itinatawag na “pagkakasari-sari ng mga taktika.” Ang kahulugan nito ay na ang galang namin para sa mga sumasali sa walang-dahas na sibil na pagsusuway ay katumbas ng galang namin para sa mga gumagawa ng mga sunog. Ibig sabihin nito na nagbibigay kami ng galang sa mga indibidwal na pagkikilos base sa kanilang merito sa mismong oras, lugar, at kontekstong sosyal kung saan isinagawa ito.
Estratehiya
Ang anarkistang estratehiya ay hindi isang estratehiya ukol sa mga paraan para bawasan ang pangiibabaw o panglilito ng isang lipunang kapitalista o estatista. Ang ibig sabihin nito ay hindi tayo magkakaroon ng isang anarkistang lipunan habang ang estado o ang kapitalismo ay patuloy na naghahari.
—Aragorn!, 2005
Iminungkahi na ang ilan-ilang malalawak na estratehiya para sagutin kung paano tayo’y makaklikha ng isang anarkistang lipunan — o kahit mga estratehiya na na tinutugon kung paano tayo makabuluhang mamumuhay bilang anarkista ngayon sa mismo nating mga lugar. Lahat sila ay mayroong sari-sariling mga tagasuporta at mga kritiko, ngunit konti lang ang mga naniniwala na mayroong nag-iisang daan patungo sa kalayaan. Lahat ng mga estratehiyang ito ay nagsasanib noon at tuloy-tuluyang magsasanib.
Ang pinaka-kilalang estratehiya ay ang paghihimagsik. Ang paghihimagsik ay isang higanteng pagaalsa na mayroong rasonableng pagsasayos, kung saan kinakamkam ng mga aping uri ang kasangkapan ng paggagawa at ang kalayaang mamuhay kung paano nila gusto. Maraming anarkista ay nagdududa pa rin tungkol sa paraan na maisasaayos ito para hindi basta-bastang makakalipon ng kapangyarihan ang ibang uri, o isang pamamahalaang anarkista.
At saka, kagaya ng mga pagaalsa sa Gitnang Silangan, hindi parating nadaragdagan ang kalayaan ng mga taong naninirahan sa bansang naghihimagsik. Madalas, mabilisang ikinakamkam ng mga estatistang komunista o ibang mga grupong awtoritarian ang himagsikan kapag patapos na ito, upang makapasok sa mga bakanteng posisyon ng kapangyarihan. Maraming anarkista ay tututol at magsasaad na ang pagkakamkam ay hindi naman prueba na imposible ang isang himagsikang kontra-awtoritarian. Ngunit, prueba ito na marami ang mga hamon para sa isang himagsikang kontra-awtoritarian.
Ang ikalawang estratehiya ay ang pagtanggol at paglalahok sa mga insureksiyon. Ang mga insureksiyon ay ang mga saglit ng kalayaan at paghihimagsik, at madalas nangyayari sa mga panahon na may krisis. Ang mga insureksiyon na ito ay, kung magtatagumpay, magpapalaya sa ilang mga pook mula sa pagsusupil ng estado. Kapag sila’y lumakas at dumami pa, ang mga insureksiyon ay maaring gumawa ng mga kondisyon para sa isang malawak na himagsikan na puwedeng wasakin ang kapangyarihan ng estado. May ibang nagsasabi na mga insureksyon ay hindi nakakadulot ng matagalang pagbabago, at madalas ay nagagawang dahilan para gawing mas malala ang pag-sisiil ng estado. Pero mahalaga pa rin ang papel na ginampanan ng mga insureksyon sa ilang mga pakikibakang anarkista.
Ang ikatlong estratihiya na sinubukan ng anarkista sa nakaraan ay ang sindikalismo.
Ang metodong ito ay isang metodong “pang-manggagawa.” Iminumungkahi ng sindikalismo na wasakin ang kapitalista’t estatistang ekonomiya sa pamamagitan ng mga manggagawa na dadagitin ang direktang kontrol ng kanilang mga pabrika.
Kahit tayag at talagang matagumpay ang sindikalismo dati, hindi kasing tayag ang sindikalismo ngayon dahil sa mga katangian ng makabagong pagtatrabaho at ang paglilipat ng mga unlad na bansa mula sa paggawa tungo sa iba pang industriya.
Isa pang estratehiya ay minasang itinutukoy bilang ang dual power na estratehiya, o kapangyarihang dalawahan.
Ito ang stratehiya kung saan itinatayo ang “kontra-imprastraktura” mula sa ideyang anarkista para tugunin ang mga kailangan at kagustuhan ng mga tao habang nilulusob ang mga pangunahing institusyon na sumisira sa mundo.
Hindi nabanggit ang lahat ng mga estratehiya sa listahang ito. May mga anarkista na inuuna ang pagiintindi sa mga estratehiya tungkol sa dekolonisasyon, edukasyon, o pamagitanan sa mga krisis. May iba namang anarkista na gumagawa ng mga bagong estratehiya na hindi pa nasusubukan, mga ideya na hindi kami makahintay na subukan.
Paghaharap sa Sistema
Hindi puwedeng makipagusap ang indibidwal sa Estado. Walang salaping itinatanggap ng Estado kundi ang kapangyarihan: at siya mismo ang naglalathala ng salaping ito.
—Ursula K Le Guin, 1974
Malamang na kahit gawin natin ang lahat, namumuhay pa rin tayo sa isang kapitalista’t statistang mundo. Ang anarkismo ay hangad at palaasa sa mabuti — ngunit hindi ito nahihibang. Sumasalungat kami sa pag-iiral ng estado, ngunit naiintindiha’n rin namin na umiiral pa rin ang estado at may materyal na kapangyarihan ito. Hindi kami “naniniwala” sa mga kulungan, ngunit puwede pa rin kaming makulong ng estado. Bawat kilos at bawat gawa, bawat indibidwal at bawat grupo, ay kailangang tanggapin ang katotohanan ng ating kalagayan. Siguro kung anarkista kami na walang kamali-mali, pwede naming sirain ang lahat ng aming mga ID na galing sa gobyerno o balewalain ang tawag ng mga gwardya. Pero lahat naman tayo ay kailangan ding gumawa ng makabuluhang pagbibigay. Pare-pareho, gusto naming mamuhay sa isang mundong walang sinasahurang pagtatrabaho, ngunit hindi kami ipokrito kung kumakayod din kami para lamang makakain.
Kasaysayan
Mas nanaisin ng mga anarkistang mula sa Himagsikang Espanya na lumahok sa ating mga pakikibaka ngayon kaysa sa pagusapan ang mga pakikibaka nila noon! Sila ay mga ordinaryong tao lang din, at ginawa nila kung ano ang gagawin natin ngayon pag naka-hanap tayo ng tiyempo.
—Curious George Brigade, 2004
Mas alala ang mga anarkista sa kasalukuyan kesa sa kinabukasan, dahil kung paano tayo namumuhay dito at namumuhay ngayon ay mas importante pa sa isang guni-guning yutopia. At mas alala ng mga anarkista sa kinabukasan kaysa sa nakaraan, dahil pwede pa rin nating itong baguhin. Tayo din mismo ay ang mga mamumuhay sa kinabukasang iyon. Ngunit mayroong mahaba’t mayamang kasaysayan ang kilusang anarkista, na bukal ng paghanga, pagmamalaki, at napakaraming aral.
Kahit may mga pilosopiya na malapit sa anarkismo sa lahat ng parte ng kasaysayan galing sa mga Taoistas, mga Stoisistas, mga Hindu, mga katutubo, at mga iba, si Pierre-Joseph Proudhon ang unang lumikha ng termino sa 1840 at ang unang tumukoy sa sarili niya bilang anarkista.
Mula roon, ang mga anarkista ay may mga malalaking papel na ginanap sa mga pag-aalsa, sa pakikibaka ng mga manggagawa, sa mga insureksyon, at sa kultura. Sa dekadang 1880, ang mga anarkistang lumalaban sa sinasahurang trabaho sa Estados Unidos ay ipinasok din sa laban para sa walong oras na hangganan para sa isang araw ng pagtatrabaho. Ilang demonstrasyon para sa karapatang paggawa ay humantong sa isang away sa Haymarket Square sa Chicago, at walong anarkista ay pinaglitis dahil sila ay anarkista. Binitay ang apat sa kanila at isa ay nagpakamatay sa kulungan dahil dito. Nagbago ang kasaysayang ng paggawa sa Estados Unidos sa kanilang pagiging martir. Nanalo sila sa laban para sa walong oras na hangganan, at ang anarkismo ay patuloy na nagiging malinaw at malakas na boses sa kilusang manggagawa.
Sa bagong siglo, pinaslang namin ang mga hari at iba pang mga pinuno ng estado, at nakilala kami bilang ang mga bumabato ng pampasabog at asesino. Ito ay ang pangmatagalan na reputasyon ng mga anarkista, na ipinagmamalaki ng ilang mga anarkista at gusto namang kalimutin ng iba.
Naglaban kami para sa himagsikan sa Ruso ng mga ilang dekada, para lamang ipagkanulo noong tinalikuran at pinatay kami ng mga Bolshevik noong 1917. Para sa tatlong taon, mula 1918 hanggang 1921, pitong milyong Ukraniyo ay namuhay bilang anarkista hanggang nagtaksil ang hukbong Bolshevik sa isang alyansya at sinakop kami habang pinagkakaabalahan namin ang laban kontra sa hukbong-bayaran ng mga kapitalista.
Sinubukan ulit namin ito noong 1936 hanggang 1939, noong sinakop ng mga buklurang sindikalisita ang Catalonia, isang rehiyon ng Espanya, habang nagaganap ang Himagsikang Espanyol. Muli, habang pinagaabalahan ng mga anarkista ang laban kontra sa kumakanang hukbo, ang partidong komunista na pinamumunuan ng mga Bolshevik ay bigla kaming pinagbabaril. At sa huli, ang Espanya ay nailagay sa pamamahala ng mga pasista.
Malaki rin ang ginanap na papel ng mga anarkista sa kalayaan ng mga Koreyano mula sa kolonyal na pamamahala ng mga Hapon at sa pakikibaka ng mga manggagawa din sa Timog Amerika. Nakipagtulungan kami sa mga armadong taong walang pamamahay sa US at nagnakaw kami mula sa mga bangko sa Pranses. At kabilang kami sa ilang kilusang sining, panitikan, at musika — mula sa paglahok ni André Breton sa surrealism hanggang sa impluwensya ng Crass sa punk.
Pero hindi tayo pwedeng pumayag na mapabigat sa nakaraan. Tayo mismo ay kailangang gumawa ng kasaysayan.
Sa Kasalukuyan
Ang anarkismo ay hindi isang konsepto na maaaring dakpin sa isang salita katulad ng sulat sa isang putod. Hindi siya teoriyang pulitikal. Ito ay isang pananaw sa buhay. At ang buhay, bata man tayo o matanda, ay walang katiyakan; ito’y isang pusta na kailangan nating itaya araw-araw
—Alfredo M. Bonanno, 1998
Sa nakararaang 15 na taon, ang anarkismo bilang pagkikilos ay rumaragasa na. Unang-una dahil sa mga demonstrasyong kontra-globalisasyon sa bagong milenyo, at ngayon, dahil sa pagkagulo laban sa austerity at dahil sa mga kilos sa samu’t-saring bahagi ng mundo, ang mga tao ngayon ay umaayaw sa awtoritarianismo. Maykatwiran ito — mabilis na sinisira ng kapitalismo ang lahat, at hindi natin basta-bastang makakalimutan ang bangungot na nililkha ng mga awtoritarianismo mula sa paga-alsa, maski sila ay kumakanang pasista o kumakaliwang Stalinista.
Sabihin Na Lang Natin na Gusto Mong Sumali
Sa isang lipunang winasak ang lahat ng mga adbentura, ang naiiwang adbentura ay wasakin ang lipunang iyon.
—Anonymous French Graffiti, 1968
Ang anarkismo ay hindi isang klub na may mga katipon. Kahit bilang kaisipang pulitikal, kami ay mas lalo pang kontra-ideolohiya kaysa isang kaisipang may mahihigpit na patakaran. Wala ka kailangang pupunuin na porma o babayarin. Mayroong mga grupong anarkista sa lahat ng bahagi ng mundo na kumikilos para tugunin ang iba’t-ibang problema na baka gusto mo ring tugunin. Mula sa problemang pangkalikasan hanggang sa mga suliranin ng hustisyang panlipunan, marami sa mga grupong ito ay papayagan kang sumali, o kahit lumahok lang sa kanilang pagkikilos.
Pero pwede mo ring… gawin. Maghanap ka lang ng isang grupo ng mga tao na pareho ang pag-iisip sa iyo at gawin po. Magplano kayo kasama ng mga mahihilig magtanim sa baranggay mo para makibahagi ng libreng gulay. Kumilos kayo kontra sa bagong SM condo o Ayala mall na nagpapaalis ng mga tao. Mag-skwat sa mga bahay, mag-tap ng kuryente para sa isang palabas na magi-ipon ng pondo para sa mga nakulong. Wasakin ang mga sagisag ng kapangyarihan. Magpalaganap ng kaalaman. Kumilos ka kung paano mo gusto.
Subali’t ang pinakamahalagang bagay tungkol sa pagiging anarkista ay: paggagalang sa kapwa, pagtanggap na ang buhay ng mga tao ay ari nila; at pamamahala ng iyong sariling buhay, ang pagkamkam ng kalayaan, ngunit habang alam na mananagot ka sa sarili mo at sa mga minamahal mo sa buhay.
Bilang babala, may mga masasamang tao pa rin sa loob ng kilusang anarkista.
Pinapasukan din ng mga alagad na estado ang ating kilusan at ginagawa ang lahat ng kaya nila para puksain ito. Hinahanap talaga ang mga baguhan sa kilusang anarkista, inaaya nila ang mga baguhan para lumabag sa batas upang itapon sila sa kulungan para sa ilang taon o dekada. Huwag lumabag sa batas kasama ang mga tao na hindi mo kilala nang matagalan. Huwag na huwag ka pumayag na maayaan na kung “may paki ka talaga” para sa anarkismo o kahit ano pang panig na lalahok ka sa isang mapanganib na gawain. Manaliksik tungkol kay Eric McDavid, David McKay, at ang Cleveland 4.
At kahit kumikilos ka nang mag-isa o kasama ng iyong pinakamatalik na kaibigan, mag-isip ka pa rin nang mabuti at nang magulang tungkol sa mga kalalabasan ng kahit anong kilos na lalabag sa batas. Kahit hindi pwede tayong pumayag na pigilan ng pangangamba, kailangan din nating alalahanin na may mga gawa na hindi palalampasin ng mga may kapangyarihan at mas marami ka pang magagawa sa labas ng bilangguan kaysa sa loob.
Gayunman, maayo ka naming itinatanggap. Kailangan ka namin. Kailangan ka ng mundo. Maraming tayong kakayanin kapag tayo ay sama-sama
Karagdagang Pagbabasa
“Minsan, itinatanong ng mga tao kung ano ba ang pinaka-angkop na uri ng pamahalaan para sa mga manlilikha. May isang sagot lamang para sa tanong na ito. Ang pinaka-angkop na uri ng pamahalaan para sa mga manlilikha ay walang pamahalaan.”
—Oscar Wilde, 1891
Mga astig at makaysaysayang anarkista na pwede mong saliksikin kung may oras ka: Emma Goldman, Peter Kropotkin, Mikhail Bakunin, Errico Malatesta, Lucy Parsons, Nicola Sacco, Bartolomeo Vanzetti, Ricardo Flores Magón, Jules Bonnot, Maria Nikiforova, Nestor Makhno, Noe Itō, Severino Di Giovanni, Renzo Novatore, Voltairine DeCleyre, Louis Michel, at Francesc Ferrer.
Likhang kuwento:
- The Dispossessed, ni Ursula K Le Guin
- Bolo’bolo, ni PM.
- The Fifth Sacred Thing, ni Starhawk
- The Mars Trilogy, ni Kim Stanley Robinson
- Woman on the Edge of Time, ni Marge Piercy
- Just Passing Through, ni Paco Ignacio Taibo II
- V for Vendetta, ni Alan Moore
Mga pelikula:
- If a Tree Falls
- Breaking the Spell
- Libertarias
- Land & Freedom
- Was tun, wenn’s brennt? (What to Do in Case of Fire)
Mga anarkistang limbagan:
- AK Press
- CrimethInc.
- Eberhardt Press
- LBC Books
- Elephant Editions
- Strangers In a Tangled Wilderness (kami yan!)
- Bandilang Itim (kami yan na tagasalin!)
- Combustion Books
Mamanahin natin ang mundo. Walang pagdududahan diyan. Ang uring burgesya ay maaring sabugin and sunugin ang kaniyang sariling mundo bago, sa wakas, iiwanan nito ang entablado ng kasaysayan. Hindi tayo takot sa pagkawasak. Tayong nagsaka sa kabukiran at tumayo ng mga siyudad ay maaring lumikha muli, nguit pagbubutihan pa natin sa susunod. Tangan natin ang bagong mundo dito sa ating puso. Na sa bawat minuto, ngayo’y sumisibol.”
—Buenaventura Durruti, 1936